Disenyong Bulaklak
Payak na pamumuhay, pangarap na mataas. Yan ang meron si Norma. Pangatlo sa magkakapatid na naninirahan sa bataan. Maitim ang buhok na halos sumasayad na sa kanyang pigi, mahaba ang pilikmata, balingkinitan ang katawan at masayahing dalaga.
Kuntento na sa estadong nakalakhan at walang paghihinagpis sa mundong kinagisnan. Labis ang galak subalit may kaakibat na lungkot ang dalaga nang makatanggap ng mensahe galing sa kanyang tiya. Sa maynila na sya mag aaral ng kolehiyo.
"Ngunit, paano kayo? malalayo ako, kung ganito lamang ang batayan ng edukasyon ay mas gugustuhin ko pang maghirap kasama kay-".
"Edukasyon. Edukasyon lang ang mapamamana namin sayo anak", ani ng ama nyang buwis buhay sa pag ubo na tila hinahanap pa ang karangyaang makukuha sa palayan.
Katagang hindi na natapos ng dalaga sapagkat minadali na sya ng sasakyang papuntang maynila.
Luha na lamang ang naibigay ni Norma sa kanyang magulang at kapatid. Hindi naging madali ang maynila. Sunod sunod na ingay, nakakalulang gusali, at mga taong hindi mo alam kung iyong mapagkakatiwalaan.
Naging maingat siya sa buhay nya roon. Mataas na grado, sunod-sunod na liham paabot sa bataan, at maayos na pakikisama sa pamilya ng kanyang tiya. Mahirap, subalit kakayanin.
Dumaan ang ilang taon, mas lalo pang gumanda ang dalaga, mas lalo pang tumatag, at mas naging pursigido. Nakamit nya ang diploma at gintong medalya na kanyang inaasam. Sa wakas, may maiuuwi na syang magandang balita sa pamilya nya, maipagamot ang ama nya, at mai- ahon sila sa kahirapan.
Hanggang sa, napuno ang sulat na dinadala sa apartamentong tinutuluyan nya. Sabik na sabik na ang magulang nya sa pagbabalik ng dalaga subalit ni anino'y hindi nakita sa bataan. Kung kaya't nagdesisyon ang tiya nito na umuwi galing ibang bansa upang kamustahin sa apartamento si Norma.
Walang sumasagot. Tila madaming basura ang naipon sa loob na halos umabot sa eskinita ang baho sa lugar. Natagpuan ang bangkay ng isang dalagang naagnas na sa kusina, walang saplot, at tila natutuwa ang namimyestang uod sa katawan nito.
"Aray!" natigilan ako sa pagbabasa ng artikulo nang may nakatapak sa paa ko.
"Ano yan?" pagtatakang tanong ni sandro, kaibigan ko sa unibersidad.
"Artikulo ng kwento ni Norma, di mo pa ba to nababasa?" nagtatakang tanong ko.
"Sus e wala namang mapapala sa ganyan. Tinatakot lang kayo nyan", ani sandro na aligaga sa pagdadahilan.
Nakikita ko noon si Norma, isa ngang magandang dalaga subalit ang alam ko'y grumaduate na sya sa kursong edukasyon. Napagtanto din sa imbestigasyon na ginahasa ang dalaga bago binawian ng buhay at walang nakapansin sapagkat nag iisang apartamento lamang iyon sa lugar. Hinila ako ni Sandro na nag aayang uminom nang may mahulog sa bulsa nito. Isang panyong may bulaklak na disenyo.
Comments
Post a Comment