Panunuring Papel sa Pelikulang Metro Manila
Ang Metro Manila ay tungkol sa magsasaka na si Oscar Ramirez, siya'y nakatira sa Banaue Province kasama ang kaniyang asawa na si Mai at ang kanilang dalawang anak. Simula nang wala na silang makuhang sapat na pera sapagkat ang kanilang palay ay hindi na kumikita ay napagdesisyunan nilang makipag-sapalaran sa Maynila. Sa kanilang isip ay tingin nila mas makahahanap sila ng mas maayos at mayroong mas mataas na kita sa Maynila. Ngunit pagdating na pagdating nila doon ay agad silang naloko ng isang taong nagpanggap na nagpapa-upa ng bahay at binigay nila ang lahat ng kanilang pera para doon, ngunit sa paglipas lamang ng oras ay sila ay biglaang pinapalayas na ng isang pulis sapagkat may pamilya nang nakalaan na tumira sa tahanang iyon. Dahil doon ay naghanap sila ng matutuluyan at sila'y nakahanap sa Tondo. Habang naghahanap si Oscar ng trabaho ay may nakapansin sa kaniyang tatu na galing sa kaniyang pagiging militar at dahil doon ay tinulungan siyang makapasok sa trabaho ni Ong, ang taong kinaibigan lamang siya dahil ito'y may balak na hindi maganda sa kanilang pookgawaan. Dahil sa kaniyang agad na pagtitiwala sa tao ay si Oscar Ramirez at ang kaniyang pamilya ay madaliang nauuto at dahil doon ay kamatayan ang kaniyang kina-hantungan. Ngunit siya'y may iniwan na pera para sa kaniyang pamilya at kinabukasan nila.
Tunay na napaka-ganda ng aming pelikulang napanood, sapagkat marami talaga akong natutunan dito, tulad ng dapat ay hindi agad-agad nagtitiwala sa ibang tao dahil maaaring sila ay mayroon hindi magandang balak para sa iyong sarili. At ang nakatutuwa sa pelikula ay pinapakita dito ang simpleng pamumuhay ng mga tao na nakatira sa ating mga probinsya, ngunit ang kinalungkot ko rito ay kahit simple lang ang kanilang buhay, sila ay hirap na hirap na buhayin ang kanilang mga pamilya sapagkat hindi sila bininbigyan ng halaga ng ibang tao at ang kanilang paghihirap, lalo na ang mga magsasaka.
Nagpapakahirap ang ating mga magsasaka upang mag-tanim at mag-ani ng mga palay na kanilang ibebenta, ngunit ang mga mapanlinlang na mga tao ay lolokohin pa sila at bibilhin ang kanilang palay/bigas sa napaka-murang halaga kahit lubos ang kanilang paghihirap dito.
At naipakita sa pelikula na ito na kahit gaano pa ka-bait ang mga tao, kahit pa tingin mo sila ay nalilinlang o naiisahan mo at nalalamangan mo, kapag nasa oras na sila ng kanilang hangganan ay makagagawa na sila ng mga bagay na hindi naman nila kagustuhan ngunit kanilang ginagawa pa rin ito upang mabangon ang kanilang pamilya.
Ang nakuha kong aral dito ay hindi dapat natin minamaliit ang paghihirap ng ibang tao, lahat tayo ay may pinagdadaanan at lahat tayo ay nahihirapan. Ngunit hindi sagot ang paggawa ng mali para sa tingin nating tamang dahilan. Dahil kung mabuti naman ang iyong nais mangyari, ngunit ang ginamit mo ay maling paraan, paano mo ito maipagmamalaki sa iba? Ngunit hindi naman talaga kailangan ipagmalaki sa iba, ang tanong ay, pano mo ito matatanggap at maipagmamalaki sa iyong sarili?
Comments
Post a Comment